PAMAMARAAN NG PAGPAPATAAS SA KALIDAD NG EDUKASYON SA PILIPINAS

Ang malusog na katawan ay may malusog na kaisipan.”

Ito ang paniniwalang binitbit ni Alliance of Volunteer Educators (AVE) Partylist Representative Dr. Eulogio “Amang” Magsaysay hanggang sa Kongreso noong 2004.

Taong 2000 nang mabuo sa kaisipan ng kongresista ang AVE upang makatulong sa nagaganap na krisis pang-intelektuwal noong 1997 kaalinsabay ng unti-unting paghina ng ekonomiya sa Asya.

Pangunahing layunin ng pagtatag sa AVE ang maisulong ang kapalaran ng mga mag-aaral, kaguruan, magulang at mayorya ng populasyon kung saan ang mga panahong iyon ay hindi mapigilan ang pagbagsak ng kalidad ng edukasyon sa bansa.

“Nasaksihan ko ang kaawa-awang kalagayan ng mga mag-aaral sa pampublikong kolehiyo na hindi man lamang makabili ng textbook na nagkakahalaga ng P120 at kailangan pang maipa-xerox ito kumpara sa mga mag-aaral sa US na ginugugulan ng gobyerno,’ sabi ni Magsaysay. “Ang mga silid-aklatan doon ay bukas hanggang alas 3:00 ng umaga para lamang mapagbigyan ang mga estudyante.”

TULONG PARA SA MGA GURO

Nahahabag din si Magsaysay sa kalagayan ng may 2,376 public school teachers na may taglay na tuberculosis o TB bungad ng kawalan ng maayos na silid-aralan at nag-uumapaw na bilang ng mga hinahawakang estudyante.

Ang mababang sahod ng kaguruan na nasa P9,939 ang pangunahing dahilan kung bakit marami rin sa kanila ang hindi makapagpa-aral ng anak dahil ayon sa report ng National Economic and Development Authority (NEDA) ay mangangailangan ng P17,000 na sahod bawat buwan upang makapamuhay ng maayos.

Nakapaloob sa panukala ni Magsaysay na maitaas ng P6,000 ang sahod ng mga kaguruan upang dumami pa ang bilang na magnanais magturo sa mga pampublikong paaralan na kapos sa may 16,390 na guro.

Dahil dito, naisipan ni Magsaysay na kailangan lumahok ang AVE sa eleksyon upang magkaroon ng representasyon ang hanay ng mga guro sa gobyerno. “Noong 2001 ay isang kaibigang mambabatas ang nakapagsabi sa akin na walang kinatawan ang Alliance of Volunteer Educators sa Kongreso hindi katulad ng ibang sector na may representasyon doon,’ ayon kay Magsaysay. “Noong una ay nagdadalawang isip ang grupo dahil ang samahan ay isang non-government organization (NGO) at hindi isang partido political.”

DUGONG POLITIKAL

Si Magsaysay ay parehong may dugong politika na nananalaytay sa kaniyang ugat dahil naging aktibo sa politika ang mga magulang nito. Siya ay pangalawang anak ni dating Senator Genaro Magsaysay ng Castillejos, Zambales at Adelaida “Baby” Canoy Rodriguez ng Rodriguez, Rizal, na anak ni dating Senate President Eulogio “Amang” Rodriguez.

Natapos ng kongresista ang kanilang Political Science degree sa University of Southern California (USC) kung saan nagtapos siyang magna cum laude. Tinapos din ni Magsaysay ang kaniyang masteral degree sa economics at doctorate in philosophy in political economy sa USC.

Pagkatapos ng kaniyang PhD noong 1992 ay nagtrabaho ang mambabatas bilang economic analyst at corporate secretary at senior mortgage loan officer sa dalawang magkahiwalay na bangko sa Los Angeles, California.

Sa loob ng tatlong taon sa 13th Congress ay nakapaghain ang kongresista ng 14 na panukalang batas kabilang ang pagsusulong sa sahod ng mga guro sa pampublikong paaralan at may kapansanan (SPED).

KAWANGGAWA

Bukod sa mga panukalang batas ukol sa pagpapataas sa sahod ng mga kaguruan ay itinatag ang AVE sa tulong ng Congressional Spouses Foundation, Inc. and “Haven for Children” sa Muntinlupa City na ang layunin ay mabigyan ng tahanan ay rehabilitasyon ang mga batang kalalakihan.

Bukod dito ay ipinatayo rin ng AVE ang Gimme Shelter sa Ermita, Manila upang matulungan at pansamantalang may matuluyan ang mga pamilyang walang tahanan.

MAUNLAD NA KINABUKASAN

Umaasa si Magsaysay na sa malao’t madali ay matutupad din ang kanilang pangarap para sa kinabukasan ng mga kabataang Pilipino. Ayon sa kongresista, “Sa pagtutulungan at pagsasama-sama ay tiyak na mararating din ng Pilipinas ang maunlad na kinabukasan para sa mga darating na henerasyon.” (By Meloi Maluntag, Pinas, p9)

No comments: