Re-take ng nursing exam, nararapat nga ba?

Antayin ang desisyon ng Court of Appeals.

Ito na ngayon ang pahayag ng Malakanyang sa gitna ng kontrobersiyang kinahaharap ng buong propesyon ng pagna-nars kaugnay ng naganap na leakage sa nursing licensure exam ngayong taon.

Matatandaang noong nakaraang linggo, matapos ngang makipagpulong ng Pangulo sa kanyang mga kabinete, nagpalabas ito ng kautusan na magkakaroon ng muling pagkuha ng eksaminasyon para sa mga kumuha noong Hunyo upang sagipin ang integridad ng propesyong naturan.

Kasama sa mga pinulong ng Presidente ay ang Professional Regulation Commission (PRC), Department of Labor and Employment (DoLE), at ang task force sa National Council On Licensure Examination (NCLEX). Ang DoLE ang siyang naatasan sanang magsabi sa publiko kung kelan ang gaganaping retake. Kasama naman ng ahensiyang ito ang PRC sa pagtalakay at pagdesisyon kung lahat ba ng kumuha ng eksamin ay pakukunin muli.

Pipirmahan din sana ni Arroyo ang Executive Order 565 na nagsasaad na ang PRC ay sasailalim na sa DoLE. Sa ilalim kasi ng Section 2 Chapter 1, title VII, Book III ng Executive 292, o ng Administrative Code of 1987, maaaring bigyan ng Pangulo ng kapangyarihan ang Kagawaran ng Paggawa upang lalo pang mapabuti ang sektor ng paggawa sa bansa.

Ngunit sa mga bagong kaganapan, at dahil na rin sa mga protesta ng karamihan, nagpalabas muli ng posisyon ang Pangulong Arroyo na aantayin muna nito ang resulta ng imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) na nakatakdang isumite ng ahensiya sa Oktubre 15 bago tuluyang magbaba ng desisyon ukol sa kung magkakaroon nga ba ng retake o hindi. Kaalinsunod nito ay ang pag-aantabay sa magiging desisyon ng Court of Appeals (CA) kung ibabalewala ang resulta ng eksaminasyon noong Hunyo at kakanselahin ang lisensiya at panunumpang ginawa ng mga nakapasa. Ang napaulat ding E.O. ay sasailalim muna sa muling pag-aaral ng DOLE kung saan titingnan ng naturang ahensiya kung itutuloy nga ba ang pagkuhang muli sa test 3 at 5 ng mga mag-aaral sa nursing.

Isang matinding dagok nga ang naganap na leakage na ito hindi lamang sa propesyon ng pagna-nars, kundi sa buong bansang Pilipinas. Naapektuhan ang integridad hindi lamang ng industriya ng pagna-nurse kung hindi ang sistema ng edukasyon natin sa kasalukuyan.

Kung marami man ang nag-nanais na magkaroon muli ng pagkuha ng pagsusulit, marami rin ang pinipiling sa susunod na lamang kumuha ng eksaminasyon upang huwag ng masama pa sa grupo ng mga nabahiran ng pagdududa. Ang iba naman ay nagrereklamo dahil na rin ang iba sa kanila ay nasa ibang bansa na at nagtratrabaho roon matapos magkaroon ng oath taking noong Agosto.

Para sa Alliance of Volunteer Educators (AVE) Party-list, sa pangunguna ni Cong. Eulogio “Amang” R. Magsaysay, hindi sapat ang pagkakaroon ng re-take sa mga eksaminasyon upang tuluyang malinis ang pangalan ng buong propesyon. Oo nga’t maaaring mapatunayan ng mga nakapasa noong Hunyo na talagang karapat-dapat silang maging nars kapag naipasa nilang muli ang pagkuha ng board exam. Subalit dapat tiyakin natin, higit sa lahat, na hindi basta-basta makalulusot ang mga tao sa likod ng naturang pandaraya. Nararapat lamang na ituloy ang imbestigasyon upang mabatid natin ang puno’t dulo ng lahat ng ito at maparusahan ang mga dapat maparusahan.

Nananalig si Cong. Amang Magsaysay na ating malalampasan ang kontrobersiyang ito at tuluyan na tayong makakabangon sa hagupit ng nursing examination leakage tulad ng pagnanais nitong makayanan ng ating mga kababayang nasalanta ng bagyong Milenyo na makabangon at makapamagong buhay muli.

No comments: