PATAKARAN NG GSIS SA TEACHERS, KINONDENA NG AVE PARTY-LIST

Nanawagan ang Alliance of Volunteer Educators (AVE) Partylist pamahalaan na ipasara na lamang ang Government Service Insurance System (GSIS) kung hindi matutugunan ang pangangailangan ng mga guro.

Iginiit ni AVE Partylist Rep. Eulogio “Amang” Magsaysay na dumarami ang mga reklamong dumarating sa kanyang tanggapan ukol sa mala-pagong na pagkilos ng mga kawani ng GSIS sa kanilang mga benepisyo.

“Ipinagmamalaki ng naturang tanggapan ang diumano ay makabago at mabilis na serbisyo. Ngunit ang masakit na katotohanan, ang makabagong paraan ng paghahatid ng serbisyo lalong-lalo na sa mahigit na 500,000 guro at kawani ng Kagawaran ng Edukasyon ay isa nang malamig na sabaw kung makarating man,” sinabi pa ni Magsaysay.

Naunang inireklamo ni Ka Arnul Empleo, pangulo ng National Association of Public Secondary School Heads, Incorporated (NAPSSHI), ang patuloy na pagbulusok at pagkawala ng tiwala ng mga guro sa pampublikong paaralang sekondarya sa GSIS.

Nakakalungkot, aniya, na ang matagal na inaasahang sandigan ng mga guro sa panahon ng pangangailangan sa pananalapi ay hindi na maaasahan.

Sinabi rin ni Dr. Erik Habijan, bagong halal na pangulo ng Philippine Elementary School Principals Association (PESPA), na kailangan ang maigting at malawakang pagsisikap sa panig ng GSIS upang maibalik nito ang tiwala ng mga guro sa ahensiya.

Kinuwestiyon ni Magsaysay ang mandato ng GSIS sa bisa ng Commonwealth Act No. 186 na tiyakin ang pangangailangan sa pananalapi ng mga kagawad nito sa panahon ng kanilang pagtanda at mabigyan ng kapayapaan ng isip ang mga retirado sampu ng kanilang pamilya.

Ngunit para sa kanya, nakalulungkot na ang patakaran ng GSIS sa isang uugod-ugod at bahagya nang makahakbang na retirado o nagkasakit na kagawad o guro ay puwersahang papupuntahin sa kanilang tanggapan para lang sa isang lagda at tinatawag pa ng GSIS na ’malasakit at serbisyo’ ang malupit na patakarang ito.

“Kung tunay na may puso ang mga opisyal ng GSIS bakit hindi nila nararamdaman ang kahulugan ng mga salitang ‘kung hindi maabot ng lupa ang langit, ang langit ay bababa alang-alang sa pag-ibig.' Iyong walang utang ay sinisingil kalakip pa nito ang iba’t ibang mga karagdagan bayarin at tubo," ani Magsaysay.” Aanhin pa ang damo kung patay na ang kabayo, akmang-akma ang kasabihang ito sa paglilingkod na ibinabahagi ng GSIS sa matatapat nitong miyembro.”

(By Mary Ann Santiago, "Balita", p4, 05/04/07)

AVE URGES EDUCATION INSTITUTIONS TO PRODUCE SKILLED WORKERS IN LOCAL JOB MARKETS

The Alliance of Volunteer Educators party-list organization urged colleges and universities to produce graduates fit for the growing demands for skilled workers in the local job markets so that the alarming job mismatch in the country could be addressed.

AVE party-list Rep. Eulogio “Amang” R. Magsaysay said that the higher education institutions can take an active part in addressing the job mismatch by seeing to it that their educational programs are effective in preparing students that enroll their schools who will become future job seekers.


(By Rainier Allan Ronda, "The Philippine Star" pA-24, Saturday, April 28, 2007)

AVE video....

part I



part II

POLL DUTY SA TEACHERS DAPAT BOLUNTARYO — AVE Party-List

DAPAT bang obligahing tumupad sa poll duty ang mga guro? Sa ganang akin, ito’y dapat gawing boluntaryo lamang. Iyan din ang opinion ni Alliance of Volunteer Educators (AVE) party-list Rep. Eulogio ‘‘Amang’’ Magsaysay na kinatigan mismo ni Education Secretary Jesli Lapus. Pero iyan ang itinatadhana ng Omnibus Election Code kaya hangga’t hindi narerebisa ang batas, obligado ang mga guro sa poll duty.

Katig din ang buong sector ng edukasyon sa pahayag ni Magsaysay. Ito ay isang panukalang noon pang nakaraang taon isinulong ng AVE party-list at paborableng inendorso ni Lapus. Tinuran ni Lapus ang nakaambang panganib na kakaharapin ng mga guro lalu na sa mga tinatawag na political hotspots. Tuwing may eleksyon, laging may napapahamak na gurong tumutupad sa poll duty. Sa kakarampot na allowance sa mga teachers, delikado pa ang buhay nila.

Natatandaan ko na ang panukala ni Magsaysay ay ang implementasyon ng poll automation at paglilibre sa gawaing pang-eleksyon ng mga guro. Tama. Bakit ba oobligahin ang guro sa ganyang gawain gayung ang tungkulin nila ay magturo? Kaya dapat pakinggan ng pamahalaan ang panukala ni Amang Magsaysay.

Binawasan na ang tungkulin sa eleksyon ng mga sundalo. Kaya ramdam ng mga guro na agrabyado na naman sila kumpara sa mga sundalo. Iyan mismo ang hinagpis ni Dr. Teresita Arriola, pinuno ng Public Elementary School Principals (PESPA). Kasi, bukod sa panganib sa buhay ng mga nasa poll duty, nagiging vulnerable pa sa iregularidad ang mga guro lalu pa’t iisiping kapos ang kanilang sahod.

Kahit ang National Association of Public Secondary School Heads Inc. (NAPSSHI) ay sumuporta sa opinion ni Magsaysay, Ngunit naririyan pa rin ang Omnibus Election Code, isang batas na nag-oobliga sa mga guro na mag-duty sa panahon ng eleksyon.

Ipinapanukala ni Dr. Arnul Empleo, namumuno sa NAPSHI na agad nang I-release ang allowance ng mga guro at kung maaari ay bigyan ng insurance coverage sa harap ng malaking panganib na posibleng harapin nila sa poll duty.

(AKSYON NGAYON Ni Al G. Pedroche, "Ang Pilipino STAR Ngayon" 04/25/2007)

AVE PARTY-LIST PINURI NG SEKTOR NG EDUKASYON

Habang palapit ng palapit ang local na eleksyon sa Mayo 14 at puspusan naman ang paghahanda ng Komisyon ng halalan upang mairaos ito ng maayos at malinis, parami naman ng parami ang mga tagamasid sa sektor ng edukasyon ang pumupuri sa ginawang panukala ng party-list na Alliance of Volunteer Educators (AVE) sa pamumuno ni Congressman Eulogio “Amang” R. Magsaysay na dapat ay boluntaryo lamang at hindi obligado ang pagserbisyo sa eleksyon ng ating mga guro.

Ang panukalang ito, na iminungkahi ng AVE party-list nuon pang nakaraang taon, ay sinang-ayunan naman kamakailan ni Kalihim Jesli Lapus ng Kagawaran ng Edukasyon nang ipagdiinan niya na naniniwala siyang “hindi nga dapat obligahin ang mga guro na tumao sa mga polling places dahil sa mga nakaambang mga panganib sa kanilang buhay at katauhan lalo na sa mga lugar na sinasabing political hot spots.”

Sa naunang panukala ng AVE ay sinabi ni Magsaysay na dapat nang ipatupad ang poll automation ng eleksyon at ang paglilibre na sa mga guro sa trabahong pang-eleksyon.

Panahon na nga, anang kinatawan ng AVE party-list, na gawing boluntaryo at hindi mandatory ang pagganap ng tungkulin ng mga guro sa panahon ng eleksyon.

Ang pangunahing tungkulin ng mga guro ayon kay Magsaysay ay ang pagtuturo at paghubog sa murang kaisipan ng kabataan upang sila nga’y lumaking mga matalino at maging responsableng mamamayan ng bansa.

Tinuran ni Magsaysay na kamakailan, ang mga sundalo ng AFP ay nilimitahan na lamang ang gawain sa eleksyon.

Ayon naman kay Dr. Teresita Arriola, pinuno ng Public Elementary School Principals (PESPA) na agrabyado nga naman ang mga guro kumpara sa mga sundalo ng AFP na binigyan na lamang ng maliit na partisipasyon sa panahon ng eleksyon para hindi na sila magamit pa sa anumang iregularidad.

Kadalasan naman kasing nalalagay sa balag ng alanganin ang buhay ng ilan nating mga guro sa pagtupad ng kanilang tungkulin sa tuwing eleksyon.

Nagpahayag ng suporta ang National Association of Public Secondary School Heads (NAPSSHI) sa pamumuno ni Dr. Arnul Empleo, sa sinabi ni Magsaysay na dahil sa Omnibus Election Code, isang legal na mandato ng mga public school teachers ang magseserbisyo tuwing eleksyon kaya nararapat na raw na pag-aralan kung ito ba ay dapat nang maging boluntaryo na lamang.

Dapat din, ani Dr. Empleo, na agarang ilabas ang pondo para sa allowance ng mga guro dahil napakaliit na nga naman ng sweldo ng mga ito at minsan ay hindi na kasya sa kani-kanilang pamilya. Dapat sigurong bigyan ng dagdag na insurance coverage ang mga ito bukod pa sa mga security personnel na ibinibigay sa kanila.

PAMAMARAAN NG PAGPAPATAAS SA KALIDAD NG EDUKASYON SA PILIPINAS

“Ang malusog na katawan ay may malusog na kaisipan.”

Ito ang paniniwalang binitbit ni Alliance of Volunteer Educators (AVE) Partylist Representative Dr. Eulogio “Amang” Magsaysay hanggang sa Kongreso noong 2004.

Taong 2000 nang mabuo sa kaisipan ng kongresista ang AVE upang makatulong sa nagaganap na krisis pang-intelektuwal noong 1997 kaalinsabay ng unti-unting paghina ng ekonomiya sa Asya.

Pangunahing layunin ng pagtatag sa AVE ang maisulong ang kapalaran ng mga mag-aaral, kaguruan, magulang at mayorya ng populasyon kung saan ang mga panahong iyon ay hindi mapigilan ang pagbagsak ng kalidad ng edukasyon sa bansa.

“Nasaksihan ko ang kaawa-awang kalagayan ng mga mag-aaral sa pampublikong kolehiyo na hindi man lamang makabili ng textbook na nagkakahalaga ng P120 at kailangan pang maipa-xerox ito kumpara sa mga mag-aaral sa US na ginugugulan ng gobyerno,’ sabi ni Magsaysay. “Ang mga silid-aklatan doon ay bukas hanggang alas 3:00 ng umaga para lamang mapagbigyan ang mga estudyante.”

TULONG PARA SA MGA GURO

Nahahabag din si Magsaysay sa kalagayan ng may 2,376 public school teachers na may taglay na tuberculosis o TB bungad ng kawalan ng maayos na silid-aralan at nag-uumapaw na bilang ng mga hinahawakang estudyante.

Ang mababang sahod ng kaguruan na nasa P9,939 ang pangunahing dahilan kung bakit marami rin sa kanila ang hindi makapagpa-aral ng anak dahil ayon sa report ng National Economic and Development Authority (NEDA) ay mangangailangan ng P17,000 na sahod bawat buwan upang makapamuhay ng maayos.

Nakapaloob sa panukala ni Magsaysay na maitaas ng P6,000 ang sahod ng mga kaguruan upang dumami pa ang bilang na magnanais magturo sa mga pampublikong paaralan na kapos sa may 16,390 na guro.

Dahil dito, naisipan ni Magsaysay na kailangan lumahok ang AVE sa eleksyon upang magkaroon ng representasyon ang hanay ng mga guro sa gobyerno. “Noong 2001 ay isang kaibigang mambabatas ang nakapagsabi sa akin na walang kinatawan ang Alliance of Volunteer Educators sa Kongreso hindi katulad ng ibang sector na may representasyon doon,’ ayon kay Magsaysay. “Noong una ay nagdadalawang isip ang grupo dahil ang samahan ay isang non-government organization (NGO) at hindi isang partido political.”

DUGONG POLITIKAL

Si Magsaysay ay parehong may dugong politika na nananalaytay sa kaniyang ugat dahil naging aktibo sa politika ang mga magulang nito. Siya ay pangalawang anak ni dating Senator Genaro Magsaysay ng Castillejos, Zambales at Adelaida “Baby” Canoy Rodriguez ng Rodriguez, Rizal, na anak ni dating Senate President Eulogio “Amang” Rodriguez.

Natapos ng kongresista ang kanilang Political Science degree sa University of Southern California (USC) kung saan nagtapos siyang magna cum laude. Tinapos din ni Magsaysay ang kaniyang masteral degree sa economics at doctorate in philosophy in political economy sa USC.

Pagkatapos ng kaniyang PhD noong 1992 ay nagtrabaho ang mambabatas bilang economic analyst at corporate secretary at senior mortgage loan officer sa dalawang magkahiwalay na bangko sa Los Angeles, California.

Sa loob ng tatlong taon sa 13th Congress ay nakapaghain ang kongresista ng 14 na panukalang batas kabilang ang pagsusulong sa sahod ng mga guro sa pampublikong paaralan at may kapansanan (SPED).

KAWANGGAWA

Bukod sa mga panukalang batas ukol sa pagpapataas sa sahod ng mga kaguruan ay itinatag ang AVE sa tulong ng Congressional Spouses Foundation, Inc. and “Haven for Children” sa Muntinlupa City na ang layunin ay mabigyan ng tahanan ay rehabilitasyon ang mga batang kalalakihan.

Bukod dito ay ipinatayo rin ng AVE ang Gimme Shelter sa Ermita, Manila upang matulungan at pansamantalang may matuluyan ang mga pamilyang walang tahanan.

MAUNLAD NA KINABUKASAN

Umaasa si Magsaysay na sa malao’t madali ay matutupad din ang kanilang pangarap para sa kinabukasan ng mga kabataang Pilipino. Ayon sa kongresista, “Sa pagtutulungan at pagsasama-sama ay tiyak na mararating din ng Pilipinas ang maunlad na kinabukasan para sa mga darating na henerasyon.” (By Meloi Maluntag, Pinas, p9)

EDUKASYON, HUWAG IPAGWALANG-BAHALA

Nang makapasa si Many “Pacman” Pacquiao sa Accreditation Equivalency (A & E) test ng Department of Education (DepEd), nalantad ang dalawang naghuhumindig na katotohanan: Pagkauhaw sa karunungan at pagpapaunlad sa edukasayon sa bansa. Ang kambal na hangaring ito ay totoong hindi dapat ipagwalang-bahala ng sinoman at mismong gobyerno sa pamamagitan ng DepEd, na ang pangunahing misyon ay linangin ang edukasyon na itinuturing na mabigyan ng armas laban sa kahirapan at kamangmangan.

Lingid sa kabatiran ng marami, si Pacquiao na ating dinadakila bilang People’s Champ, ay kumuha ng A & E test kamakailan sa Ireneo Santiago High School sa General Santos City. Ngayon, siya ay isang nang bona fide high school graduate at maaari nang tumuklas ng mga mataas ng edukasyon sa kolehiyo.

Masasalamin dito na ang sikat at pinakamayamang boksingero sa bansa ay hindi kailanman tinabangan sa pag-aaral, isang pagkakataon na sandaling ipinagkait sa kanya dahil sa kanilang karalitaan. At bunga nito, siya ay hinirang ng DepEd bilang Special Ambassador for Alternative Learning System at People’s Champ for Education.

Walang alinlangan na ang pagkakapasa ni Pacquiao sa naturang pagsusulit – isang programa tungkol sa pagtuturo sa mga estudyante kahit na sila ay nasa tahanan – ay isang inspiration sa mga kabataan lalo na sa milyon-milyong out-of-school youth na hindi nakapag-aral dahil sa karalitaan.

Sa kabilang dako, ang pagkauhaw ni Pacquiao sa karunungan ay marapat lamang na lalong paigtingin sa pamamagitan ng pagpapaunlad ng edukasyon. Hindi maililihim na ang pinakamalaking problema ng lipunan ay kung paanong mabibigyan ng magandang edukasyon ang mga kabataan kahit na matindi ang krisis na kinakaharap ng bansa.

At tulad ng laging binigyang-din ng Alliance of Volunteer Educators (AVE) ang party-list na pinamumunuan ni Rep. Eulogio “Amang” R. Magsaysay, ang edukasyon ang isa sa mga sector ng mga lipunan na hindi mabibigyan-pansin dahil sa kakulangan sa pondo, walang sapat na gugulin para sa kailangang mga aklat, silid-aralan at iba pang mahahalagang pasilidad.

Gayunman, inaasahan ni Magsaysay na sa taong ito, ang DepEd ay maglalaan ng mas malaking pondo para sa mga programang pang-edukasyon upang ang sector na ito ay tuluyang makabangon sa naghihirap nitong situwasyon. Kung sa bagay, ang AVE partylist ay laging nagsisikag upang maisulong ang programa tungkol sa karunungan. Katunayan, napagkalooban ng scholarship ang mga mag-aaral sa 112 colleges at state universities sa buong bansa dahil sa pondong mula sa congressional fund ng mga kongresista.

Kaakibat nito, sinisikap din ng AVE partylist na pataasin ang suweldo ng mga guro sa pamamagitan ng House Bill No. 1189. Sa gayon, sila – lalo na ang mga elementary school teachers – ay hindi na mangingibang bansa upang mamasukan bilang mga domestic helpers sa Hongkong, Thailnad, Italis, Saudi Arabia at iba pang mauunlad na bansa. Mananatili na lamang sila rito upang ipagpatuloy ang kanilang misyon sa paggabay at paghubog sa murang isipan ng mga kabataan: isang tungkulin na magiging daan sa pag-unlad ng edukasyon sa bansa.

Sa makatuwid, ang misyong ito ni Magsaysay tungkol sa pagsulong ng edukasyon – sampu ng mabuting resulta ng pagkauhaw ni Pacquiao sa karunungan – ay kailangan tambalan ng gobyerno ng mas maigting na pagsisikap upang ganap na maglaho ang problema sa kamangmangan at karalitaan.
(By Celo Lagmay, "Opinion" BALITA, Pebrero 24, 2007, p.6)