DAPAT I-DISKUWALIPIKA A-TEACHER PARTY-LIST, ANTI-PEOPLE!
Ito ay matapos maghain ng isang 14-pahinang petisyon sa Commission on Elections ang AVE Party-list na humihiling na i-diskuwalipika ang mga nominado ng A-Teacher dahil sa tinatawag na “conflict of interest”.
Sa pinagsamang petisyon na inihain nina AVE Party-list Rep. Eulogio “Amang” R. Magsaysay, Dr. Arnulfo Empleo, Senior Consultant at Spokesperson ng partido at Presidente ng National Association of Public Secondary High Schools, Inc. (NAPSHI) at dating Board Member ng Professional Teachers sa ilalim ng Professional Regulation Commission (PRC), Atty. Domingo B. Alidon, Presidente ng DepEd National Employees Union at Chairman of the Board ng DepEd Central Employees Union at ni Mr. Ronald Nicolas, Vice-President ng DepEd Financial Management Personnel Association, binigyang diin ng mga petitioners na binalahura at sinalaula ng A-Teacher ang tunay na diwa ng Party-list system sa bansa.
Ayon kay Ka Arnul, kailangang madiskuwalipika ang mga nominado ng A-Teacher dahil hindi naman ito maituturing na representasyon ng mga tinatawag na “less fortunate” sektor dahil ito ay kinabibilangan ng mga may-ari kung hindi man mga opisyal ng mga pribadong paaralan sa bansa.
“Kahit kailan ay hindi maituturing na marginalized ang mga administrador ng mga pribadong paaralan at Catholic schools. Hindi marginalized group ang kanilang nire-representa sa Kongreso,” ayon pa rink ay Ka Arnul.
“Sa tingin ba ninyo, kung ang A-Teacher ay magkaroon ng representasyon sa kongreso, bababa ba o tataas ang tuition fee?” mariing tanong nito.
Matatandaang ang unang nominado ng A-Teacher na si Mariano Piamonte ay dating Executive Director at dating Presidente ng Catholic Educators Association of the Philippines (CEAP) at siyang nangungunang tagapagtaguyod ng tuition fee increase sa tuwing magsasagawa ng pagpupulong sa Committee on Higher and Technical Education sa Kamara.
Iginiit pa ng AVE ang nangyaring pagkakasuspinde ng CMO 14 ukol sa pag-reregulate ng tuition fee sa bansa. Ayon dito, itinaon na naka-recess ang Kongreso kaya kaduda-dudang nagkaroon ng sabwatan sa pagitan ng mga pribadong paaralan at ng CHED.
Sinabi rin ni Ka Arnul na maraming kaguruan at edukador sa bansa ang napaniwalang kakatawanin ng A-Teacher Partylist ang mga guro ngunit taliwas anila ito nang malantad ang tunay na mukha ng mga nominado.
Sa naturang petisyon, hiniling din ng AVE na kanselahin ang rehistrasyon ng A-Teacher sa Comelec at tuluyan na itong madiskuwalipika.
Si Mariano Piamonte, ay napag-alaman rin Board Member ng University of Regina Carmeli, Malolos, Bulacan. Samantalang ang iba pa nitong nominees ay sila Ulpiano Sarmiento (2nd nominee) Corporate Secretary ng Miriam College Foundation, at Carolina Porio (3rd nominee) Executive Director ng Fund Assistance to Private Education (FAPE), kung saan tila lahat ng mga nominado ng naturang partylist ay sangkot sa “money making enterprise”.
(ni Meloi Maluntag,p.2 SAKSI sa balita, Hulyo 2, 2007)